Ito ang unang beses ko na magkaroon ng kolum para sa lathalaing ito at ito rin ang unang beses na gagamitin ko ang Filipino sa pagsulat. Kahinaan ko ang Filipino, sadyang hirap ang aking utak na humanap ng mga salitang aakma sa nais kong ipahayag. Hindi tulad sa Ingles na hindi ko pa man iniisip ay naisusulat na ng aking mga kamay. Pati nga ispeling ay hindi ako uubra sa Filipino. Sa madaling sabi, talo ako pagdating sa asignaturang ito.
Marahil ay nagtataka ka kung bakit Filipino ang nababasa mo sa gayong nabanggit ko na kahinaan ko ito. Simple lang ang dahilan—PARA MAIBA NAMAN. Maaring pagtawanan mo ang dahilan ko dahil sa napakababaw nito. Pero para sa akin, napakalaki ng ibig sabihin nito.
Lumaki ako kapiling ang mga numero. Henyo ng matematika ang mga taong kinagisnan ko, binibigkas pa lamang ang equation, sinasagot na nila. Kaya naman noong hinapagan ako ng kurso, naisip kong maging inhinyero. Metallurgical Engineer o Agricultural Engineer. Bago sa pandinig pero hindi maitatangging cool. Pansamantalang uminog doon ang aking pangarap na kinabukasan at lalo pa itong umigting nang mapag-alaman ko na pumasa ako sa unang unibersidad na kinuhanan ko ng exam.
Lumipas ang mga araw at tila tumatabang ang pagkakataon na magiging inhinyero ako. Hindi pumayag ang aking mga magulang sa gusto ko, pumili daw ako ng iba. Naisip kong maging astronaut pero naisip ko na lalo akong hindi papayagan doon. Habang nagninilaynilay, nakita ko ang kapitbahay namin na nakaunipormeng puti na umuwi galing paaralan, natuwa ko, gusto ko rin ang nakaputi, naisip kong kumuha ng nursing.
Inihayag ko sa mga taong malapit sa akin ang panibagong kurso na naisip ko—NURSING. At noong tatanungin ako kung bakit, ang tanging naisagot ko lamang ay para maiba naman masyado ng marami ang mga mathematical geek sa amin.
Ganun kapayak.
Ganun kababaw.
Hindi ko alam kung may kwenta pero ‘yun ang totoo.
Ngayon mahaba na nalakbay ko. Natalo ko na sa punong-braso ang Anatomy and Physiology, Microbiology and Parasitology, Health Education, Bioethics, Health Economics, Nutrition at ang mga kinatatakutang Algebra, Physics at Biostatistics. Nakalahati ko na rin ang NCM, nakaapat na ako. Paulit-ulit kong tinatanong ang aking sarili, ngayong natatanaw ko na ang finish line, hindi pa rin ba nagbabago ang dahilan ko? Ang kagustuhan ko pa rin bang maiba ang nagbibigay sa akin ng rason upang magpatuloy?
Kamakailan sa duty, nagkaroon ako ng pasyente na may BAIAE with malnutrition and mild dehydration. Kalunos-lunos ang dinatnan ko sa isolation room. Mag-ina ng umookupa sa kabuuan ng kama na pang-pedia. Pito ang nakaresetang gamot sa bata ngunit isa man ay walang naroon. Hindi makabili ang ina dahil wala daw kasama ang anak niya. Matapos kong ayusin ang IVF at mukuha ang VS ng pasyente, daglian akong bumili ng gamot sa malapit na pharmacy. Sa kabuuan ng duty, 9 na beses akong nagpainom ng gamot kaya naman 6 na beses akong lumabas upang bumili ng gamot.
Nakauwi ako sa tinutuluyan kong dorm, humiga, sinubukan kong matulog ngunit maalinsangan kaya naman hindi ako nakatulog. Napaisip ako malalim. Talaga bang kasali sa job description ng isang nurse ang lumabas ng ospital at bumili ng gamot? Natawa ako sa sarili ko. Bakit ko nga ba pinoproblema iyon? Nagdaan pa ang ilang mga araw at hindi pa rin ako makaget over, pero sa pamamagitan ng pangyayaring iyon ay kahit papaano nagkaroon ng direksyon ang aking nais patunguhan. Ang aking “PARA MAIBA NAMAN” ay nagkaroon ng panibagong kahulugan.
Maraming kuro-kuro tungkol sa nursing. May mga nagsasabi na hindi na daw ito in demand kaya wala ng punto sa pagkuha nito. May mga nagsasabi na sarado daw ang Amerika at Europa at hindi tumatanggap ng nurses. At kung anu-ano pang pambabatikos. Sa kanilang lahat ito lang ang masasabi ko, wala silang karapatang humusga sa kung ano ang meron sa nursing dahil hindi nila alam ang totoo.
Walang kabayaran ang mga ngiti at pasalamat ng pasyente. Hindi matatawaran ang kasiyahan na nadarama kapag niregaluhan ka ng isang bigkis ng sitaw na galing sa taniman ng pasyente sapagkat iyon lamang ang kanilang makakayanan. Walang kahit na anong halaga ang tutumbas sa pakiramdam kapag nalaman mong MGH ang pasyente mo dahil epektibo kang nurse. At higit sa lahat, walang payslip ang makakapantay sa sarap ng pakiramdam na nakakatulong ka sa kapwa mo Pilipino kahit hindi mo kakilala.
Ngayon sa tuwing maririnig ko ang linyang “PARA MAIBA NAMAN”, nangingiti ako at naiisip kong doon din ako nagsimula. Minsan, hindi basehan ang talento o galing sa isang bagay upang ito ang ipagpatuloy mo, ang kailangan lang tanggapin at mahalin mo ang ginagawa mo. Hindi ko maipapangakong magiging madali, pero sigurado akong kakayanin mo.
Found through:
tula para sa ama, kahinaan sa asignaturang filipino, tula tungkol sa ina, tula para sa magulang, ang aking ina tula, mga tula tungkol sa ina, mga tula tungkol sa ama
Nurseslabs For All Your Nursing Needs 
